Inaasahang magbababa ng desisyon ang Philippine Olympic Committee (POC) Board matapos ang 2008 Olympic Games sa Beijing, China kaugnay sa gulong bumabalot ngayon sa Philippine Amateur Swimming Association (PASA).
Ito ang inihayag kahapon ni POC chairman Robert Aven-tajado sa hangaring na maiiwas sa problema sa PASA sina national tankers Miguel Molina, Ryan Arabejo, Daniel Coakley, JB Walsh at Cristel Simms at divers Shiela Mae Perez at Rexel Ryan Fabriga.
“Dapat isipin din natin ang kalagayan ng mga atleta,” wika ni Aventajado sa nasabing mga atletang lalahok sa 2008 Beijing Games na nakatakda sa Agosto 4-24. “We don’t want to burden them with any anxiety.”
Sa pulong ng POC Board kamakalawa, napagkasunduan ng mga miyembro na ipagpaliban muna ang kanilang desisyon hinggil sa reklamo ng isang grupo ng swimmers, coaches at parents laban sa pangangasiwa ni Mark Joseph sa PASA bilang pangulo.
Sa eleksyong dinaluhan ni Aventajado noong 2005, naiupo ang dating national swimmer na si Joseph bilang bagong pangulo ng swimming association kapalit ni Monchito Ilagan.
“As a PASA president and based on the record, maganda naman ang palakad ni Mark at hindi naman namin kinukuwes-tiyon ‘yan,” sabi ng presidente ng taekwondo association kay Joseph. “Ang tinitingnan lang namin ay ‘yung pagsunod niya sa mga kasunduan.”
Sa ilalim ng liderato ni Joseph, lumangoy ang Nationals ng kabuuang walong gintong medalya, tatlo rito ay nanggaling sa 23-anyos na si Molina, sa nakaraang 24th Southeast Asian Games sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Idinagdag pa ni Aventajado na kailangang sundin ni Joseph ang kanilang nabuong kasunduan ni Ilagan. (Russell Cadayona)