Abot kamay na ng Air21 ang awtomatikong quarterfinal slot matapos ang 91-87 panalo laban sa Welcoat sa 2008 PBA Fiesta Conference na nagpatuloy sa Araneta Coliseum kahapon.
Malaki ang naging bahagi ni import Steve Thomas para makasiguro ang Express ng playoff para sa huling quarterfinal slot matapos itong humakot ng 29-puntos, 13-rebounds at apat na assists upang banderahan ang kanyang koponan.
Sumulong ang Air21 sa 10-6 win-loss slate na sinusundan ng Red Bull at Coca-Cola na tabla sa 9-6 kartada habang lalo namang nabaon sa pangungulelat ang Dragons na lumasap ng ika-12 talo sa 16-laro.
Kasalukuyang nakiki-paglaban ang defending champion Alaska na may 8-6 kartada sa Sta. Lucia Realty (6-8) tangka ang kanilang ikapitong sunod na panalo.
Umiskor ng dalawang krusyal na basket si Thomas sa huling maiinit na segundo ng labanan upang maiselyo ang back-to-back win ng Air21.
Binasag ni Thomas ang 87-pagtatabla ng iskor sa pamamagitan ng kanyang baby hook shot para kunin ang 89-87 kalamangan, 37.7 segun-do na lamang ang nalalabing oras sa laro.
Hindi naka-iskor ang Welcoat nang sumablay ang tinangkang tres nina Alex Compton, ang assistant coach ng Dragons na lumarong import kagabi, at ni Jireh Ibanez.
Nasiguro ng Express ang kanilang tagumpay nang maikonekta ni Thomas ang kanyang dalawang free throws mula sa foul ni Rob Wainwright para sa kumportableng 91-87 kalamangan, 7.5 segundo na lamang.
Bumandera si Marquis Gainous sa Dragons sa kanyang game-high na 34 puntos habang tumapos naman si Compton, pumalit sa sinibak na si import Corey Santee ng 16 points at 13 puntos ni Jay-R Reyes.