Gaya ng inaasahan ng maraming fans, tinapos na ng Boston Celtics ang kanilang paghihintay, at giniba ang Los Angeles Lakers upang angkinin ang kanilang ika-17 NBA championship.
Paano tinalo ng Celtics ang Lakers? Ang dati na nilang palatandaan, depensa. Pinahirapan nila ang Lakers na umarangkada, lalo na sa loob.
Bagamat isa-isa lang halos ang bumabantay kay Kobe Bryant, pinahirapan nila itong makuha ang mga tirang gusto niya. Nagtapos si Bryant ng may 22 puntos, pero hindi niya nabigyan ng buhay ang kanyang mga kakampi.
Sa simula’y dikit pa ang laban, at tatlo lang ang lamang ng Boston sa kalagitnaan ng second quarter. Subalit humataw ng isang 26-6 run ang Celtics, at pumasok ng halftime na lamang ng 58-35. Dito nagkaproblema ang LA, dahil hindi nila mapatid ang pananalasa ng Boston.
Sa isang di-pangkaraniwang pagkakataon, tila naubusan ng baraha si Phil Jackson.
Sa unang pagkakataon sa serye, nakawala si Kevin Garnett. Karaniwan na sa kanya ang double-double, ngunit di pa siya umiiskor ng marami tulad ng sa regular season. Sa katunayan, dinaig pa siya ni Ray Allen sa ilang laro. Sa Game 6, pareho silang nagtala ng 26 puntos.
Isa pang susi ay ang laro ng bench. Naging malaking puwang para sa Lakers ang lulubog-lilitaw na kontribusyon ng kanilang ipinagmamalaking “Bench Mob” na sila Jordan Farmar, Sasha Vujacic, Luke Walton at Ronnie Turiaf. Kung nadagdagan lamang ang kanilang kumpiyansa, marahil ay magiging iba ang istorya.
Halos di nakatulong si Walton, isang beses lamang nagtala ng magandang laro si Farmar at Vujacic, at nawawala si Turiaf sa mahabang mga panahon sa bawat laro.
Samantala, para sa Celtics, si James Posey, Eddie House at Leon Powe ay nag-ambag ng malaki sa magkabilang panig ng court. Di na nila pinakawala ang Lakers.
Di dapat malungkot masyado ang mga tagahanga ng La-kers, dahil maganda ang kanilang kinabukasan. Babalik si Andrew Bynum, at lalong titibay ang kanilang frontline. Kung papanatiliin nilang buo ang grupong ito, walang dudang maka-katikim uli sila ng pagpunta sa Finals.
Pero sa araw na ito, Boston ang hari.