Dalawa pang batang prospekto ang nakapasok sa main draw habang isang dosena naman ang pumirma para makapasok sa First Senate President Manny Villar Cup Cebu leg sa June 20-22 sa Trade Hall ng SM City sa Cebu City.
Napili sina Jomar de Ocampo at Aram Serquiano na katawanin ang Northern Luzon sa ikalawang yugto ng Villar Cup, na kikilalanin ding “Villards: Tulong sa Pagsulong ng Philippine Sports.”
Sina De Ocampo, 20, at Serquiano, 21, ay ang pangunahing manlalaro mula sa norte base sa BMPAP rankings.
Ang dalawa ay makakasama ang mga seeded players na sina Efren “Bata” Reyes, Francisco “Django” Bustamante, Alex Pagulayan, Ronnie Alcano, Dennis Orcollo, Roberto Gomez, Lee Van Corteza, Warren Kiamco at Gandy Valle sa prestihiyosong event na ito na ipiniprisinta ng BMPAP at co-organized ng Sunstar Superbalita at suportado ng Bugsy Promotions, Puyat Sports at Negros Billiards Stable at Camella Communities.
Seeded din sina Ramil Gallego, Joven Bustamante, Rodolfo Luat, Carlo Biado, Jharome Pena, Ricky Zerna, Jundel Mason, Elmer Haya, Rubilen Amit, Mary Ann Basas at Benson Palce.
Nakapasok din sina Russian Petiza, Rene Mar David, Johann Chua at Manolo Tanasas sa 64-man main draw nang magwagi ang mga ito sa special qualifying tournament para sa Billiards Idol Season 1.