Ito na ang pinakahuling tsansa ni Filipino featherweight Bobby “The Sniper” Pacquiao para maipagpatuloy ang kanyang professional boxing career.
Sinabi ni Filipino manager Rex “Wakee” Salud na pinagbigyan ng 29-anyos na si world super featherweight champion Manny Pacquiao ang kanyang 27-anyos na kapatid na si Bobby para sa isang laban sa Agosto.
“Humingi si Bobby kay Manny ng isa pang chance. Sabi naman ni Manny, baka mabigyan niya ng laban si Bobby this August,” ani Salud sa magkapatid.
Matatandaang nabigo si Bobby na makagawa ng sarili niyang pangalan sa world boxing scene makaraang mabigo sa kanyang mga laban, ang pinakahuli ay nang bumagsak kay Urbano Antillon via first round KO noong Marso 13 sa Hard Rock Hotel & Casino sa Las Vegas, Nevada.
Kasalukuyang nagsasanay si Bobby, may 28-14-3 win-loss-draw ring record kasama ang 13 KOs, sa boxing gym ni Pacquiao sa General Santos City sa hangaring mapanatili ang kanyang timbang at porma.
“Ngayon naghahanap kami ng isang Mexican or Argentinan fighter,” wika ni Salud kay Bobby. “Pero gusto ko sana si (Michael) Katsidis kung kaya natin ang presyo niya para labanan si Bobby sa Pilipinas.”
Ang 27-anyos na si Katsidis ng Australia ang dating interim lightweigth titlist ng World Boxing Organization (WBO) na natalo kay Cuban Joel Casamayor via tenth-round TKO noong Marso 22. (Russell Cadayona)