Si Mark Caguioa sa Australian basketball league?
Mananatiling opsyon ang posibleng paglalaro ng six-footer na pambato ng Barangay Ginebra sa Australian National Basketball League (ANBL) matapos magkaroon ng maikling pag-uusap ang agent/manager nitong si Danny Espiritu at ang Sydney Kings.
Matapos makita ang 29-anyos na si Caguioa sa FIBA-Asia Men’s Championships noong nakaraang taon, binisita ng ilang opisyales ng Sydney Kings ang produkto ng Glendale Community College.
“Ang sabi ko sa kanila they should make an offer to Mark that he cannot refuse kasi maganda naman ang ibinibigay ng Ginebra management kay Mark pagdating sa salary,” ani Espiritu, may proposal na P1 milyong monthly salary sa Sydney Kings para kay Caguioa. “If they cannot afford that money, forget about the talks.”
Kasalukuyan ngayong nagpapagaling ng kanyang tendinitis sa kanyang hita si Caguioa, hindi nakita sa aksyon sa huling dalawang laro ng Gin Kings sa second round ng 2008 PBA Fiesta Conference.
Nauna nang nahugot ng Singapore Slingers, isa ring koponan sa ANBL kagaya ng Sydney Kings, ang 5’11 na si Jason Castro ng Harbour Centre.
“Actually, hindi lang naman si Mark ang nabanggit sa akin ng mga officials ng Sydney Kings. May iba pa diyan na baka naman hindi puwedeng maglaro sa kanila because of their respective contracts,” dagdag ni Espiritu.
Ilan sa mga umagaw ng atensyon ng Sydney Kings ay sina Kerby Raymundo ng Purefoods at Nino “KG” Canaleta ng Air21. (Russell Cadayona)