Sa pagkakahubad ng korona ni Mexican world super bantamweight champion Daniel Ponce De Leon, nawala na rin ang tsansa ni Filipino world bantamweight titlist Gerry Peñalosa na makahirit ng isang rematch.
Inagaw ni Puerto Rican challenger Juan Manuel Lopez ang hawak na World Boxing Organization super bantamweight belt ni Ponce De Leon via first round TKO kahapon sa Boardwalk sa Atlantic City, New Jersey.
Matatandaang tinalo ng 27-anyos na si Ponce De Leon ang 35-anyos na si Peñalosa via unanimous decision sa kanilang unang pagkikita noong Marso 17 ng 2007.
Sa pagkawala ng korona ni Ponce De Leon, isang Nestor Rocha naman ang posibleng makasagupa ni Peñalosa, ang kasalukuyang WBO bantamweight king, sa Agosto 1 sa Tucson, Arizona, ayon sa kanyang manager na si Billy Keane.
Matagumpay na naidepensa ni Peñalosa ang nakuhang WBO bantamweight title kay Mexican Jhonny Gonzales noong Agosto 11 sa Sacramento, California mula kay Thai challenger Ratanachai Sor Vorapin via eight-round TKO noong Abril 6 sa Araneta Coliseum.
Umaasa naman si Filipino super bantamweight Bernabe Concepcion na itutuloy ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang kanyang pangako na itatakda ang kanyang paghahamon kay Lopez.
Nunit nilinaw ni Arum na kailangan munang ipanalo ng 20-anyos na si Concepcion ang kanyang laban sa Hulyo 26 bilang undercard ng Miguel Cotto-Antonio Margarito fight sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Nakatakdang bumalik si Concepcion sa Wild Card Boxing Gym sa Hollywood, California sa susunod na linggo para sumabay sa ensayo ni Filipino world super featherweight rler Manny Pacquiao. (RCadayona)