Muling magbabalik ang defending champion na University of Santo Tomas sa finals ng women’s division ng Nike Summer League basketball tournament nang kanilang pabagsakin ang La Salle Lady Archers 54-46 kahapon sa Far Eastern U Gym sa Morayta.
Umiskor si Marichu Bacaro ng 19 points at dalawa pang Tigresses ang tumapos ng double-doubles upang ihatid ang UST sa championship kung saan makakasagupa nila ang Adamson.
Tinalo rin ng Adamson ang Philippine College of Criminology 62-50 upang pigilan ang rematch ng finals noong nakaraang taon,
Sa juniors play, nakopo ng La Salle-Greenhills ang finals seat matapos igupo ang Letran High School 88-82 na isang paghihiganti sa pagsibak ng Squires sa sister school ng Greenies na La Salle-Zobel sa naunang round.
Makakasagupa ng Greenies ang reigning champion na San Sebastian-Recoletos na nanalo sa Ateneo Blue Eaglets 76-65.
Ang women’s at juniors finals ay nakatakda sa June 13 sa PhilSports Arena sa Pasig City .