Humaba sa rurok ng 10 rounds ang laban ni Filipino super flyweight Z “The Dream” Gorres bago umiskor ng isang unanimous decision sa kanilang 10-round, non-title fight ni Kenyan bantamweight Nick Otieno kamakalawa sa Waterfront Cebu Hotel & Casino.
Nauna nang sinabi ng 25-anyos na si Gorres, nagdadala ngayon ng 28-2-2 win-loss-draw ring record kasama ang 15 KOs, na hindi niya maaaring balewalain si Otieno, may 15-2 (5 KOs) slate.
“Malakas naman talaga si Otieno kasi nga bantamweight siya. So kahit papaano, malakas pa rin ang suntok niya,” wika ni Gorres, ipinakita ang kanyang ‘stylish boxing’ sa harap ng kanyang mga kababayan.
Hangad ng kampo ni Gorres na makahirit ng isang title shot sa mananalo kina Dimitri Kirilov ng Russia at Vic Darchinyan ng Armenia na magsasagupa sa Agosto 2 sa United States kung saan idedepensa ng Russian ang kanyang suot na International Boxing Federation (IBF) super flyweight belt.
Nauna nang nabigo si Gorres na maagaw kay Fernando Montiel ng Mexico ang hawak nitong World Boxing Organization (WBO) title noong Pebrero ng 2007 sa Cebu City.
Matagumpay namang naidepensa kahapon ni Montiel ang kanyang WBO super flyweight crown laban kay Mexican challenger Luis Maldonado via third round knockout sa 2:58 nito sa Plaza de Toros el Paseo sa San Luis Potosi, Mexico.
Bukod kay Gorres, nagwagi rin ang nagbabalik na si dating World Boxing Council (WBC) flyweight titlist Malcolm “Eagle Eye” Tuñacao (22-2-3, 15 KOs) mula sa kanyang first round TKO kay Tanzania Professional Boxing king Rashid Ally (11-10-7, 2 KOs).
Ito ang unang laban ni Tuñacao matapos ang halos isang taon na pananahimik. (Russell Cadayona)