Sa kabila ng anim na atleta na inilahok, hindi naman ito naging dahilan upang malugmok ang Korea.
Matapos maghari sa men’s hammer throw sa Day 1, pinagreynahan naman ng Korea ang women’s 500-meter run sa pamamagitan ni MinJung Choi sa papatapos na 2008 National Open Track and Field Championships kahapon sa Rizal Memorial Stadium.
Naglista ng bilis na 17:5.02 minuto si Choi para angkinin ang ginto kasabay ng pagkakait kay national team member Mercedita Manipol ng ikatlong sunod na gold medal nito mula sa tiyempong 17:42.98 para sa silver.
Nauna nang ibinulsa ni Manipol ang mga ginto sa women’s 3,000 at 10,000m run events sa Day 1.
Bago pa man mapahiya si Manipol ng TMS Shipping Agency, tinalo muna ni Korean JeongGwon Lee si Southeast Asian Games gold medalist Arniel Ferrera sa paborito nitong men’s hammer throw.
Nagpakitang-gilas naman sina national team mainstays Rene Herrera, Joebert Delicano at Eliezar Sunang at ang miyembro ng women’s boxing team na si Annie Albania sa kani-kanilang events.
Dinomina ni Herrera ang men’s 3,000m steeplechase (9:06.09), si Delicano naman ang namuno sa men’s long jump (7.31m), si Sunang ang namahala sa men’s shotput (15.61m) at si Albania ang nanguna sa women’s javelin throw (35.16m). (RCadayona)