BATANGAS CITY -- Isa na namang eksplosibong performance ang ipinamalas ng Most Valuable Player na su Jason Castro upang pabagsakin ng Harbour Centre ang Hapee Toothpaste, 86-73, at makopo ang titulo sa PBL Lipovitan Amino Sports Cup -- ang kanilang ikalimang sunod na championship title-- sa Batangas City Sports Center dito.
Ang 5-foot-9 na si Castro na nakatakdang lumaro para sa Singapore Slingers sa August sa Australian League, ay tumapos ng 13 points, 9 assists at tatlong rebounds para sundan ang kanyang 28-point performance sa Game 3.
Isang malaking bomba ang pinakawalan ng Harbour Centre sa ikalawang quarter upang tapusin ang best-of-five series sa 3-1.
Lamang ang Complete Protectors sa 24-22 nang umiskor si Castro ng dalawang freethrows upang simulan ang 19-0 run kung saan pinakinabangan nila ang sunud-sunod na turnovers ng Hapee, at iposte ang 41-26 kalamangan sa halftime.
Pinalaki pa ng Batang Pier ang kanilang bentahe sa 22-puntos, 59-37 sa pagtutulungan nina Boyet Bautista, Sol Mercado, Jeff Chan at Jerwin Gaco.
Nakalapit ang Hapee, tinalo ng Harbour Centre sa unang dalawang pagkikita sa championships, sa 48-59 ngunit hindi nasustinihan ng Complete Protectors ang kanilang paghahabol.
Dahil sa magandang ipinakita ni Castro sa serye, siya ang tinanghal na Finals MVP para sa kanyang matagumpay na season.
“Our aggressiveness from start to finish paid off. I told the boys that the only way to beat Hapee is to play aggressive in both ends of the court,” pahayag ni coach Jorge Gallent. “This is perhaps my sweetest win so far.”
Nakuha ng Hapee, wala pang titulo matapos ang back-to-back championships noong 2003-04 season, ang Game 1, 74-73, ngunit nakuha ng Harbour Centre ang sumunod na tatlong games para sa makasaysayang 5-sunod na titulo sapul nang pumasok sa PBL noong 2005.
“This title is doubly sweet,” ani team owner Mikee Romero na suot ang kanyang berdeng polo short. “This is the reward for their hard work and patience.”