Inaasahang tatalakayin ngayong araw ng PBA Board ang isyu kaugnay sa pag-atras ng ABS-CBN at ang estado ng Solar Sports sa pagiging official coveror ng professional league.
“Tatalakayin precisely ‘yung issue na ‘yan,” sambit kahapon ni PBA Commissioner Sonny Barrios. “So titingnan natin kung mareresolba ‘yan, but I cannot speak for the Board whether they will finally decide on the matter.”
Kamakailan ay pormal na inihayag ng ABS-CBN ang kanilang pag-atras sa bidding process na inilatag ng PBA Board, pinamumunuan ni Tony Chua ng Red Bull Barakos bilang chairman, matapos ang hindi pagkakaunawaan sa ilang detalye.
Mas pinaboran ng PBA Board ang iniaalok na three-year deal ng Solar Sports kumpara sa seven-year term ng ABS-CBN kung saan mayroon silang opsyon sa huling tatlong taon nito.
Matatapos ang samahan ng PBA at ng ABC Channel 5 sa Hulyo.
“Hindi pa naman na sila na. Sila lang ‘yung kausap nating susunod after ABS-CBN,” wika ni Barrios sa Solar Sports, ihahatid ang mga laro ng PBA sa RPN Channel 9 sakaling sila na ang piliin ng PBA Board bilang official coveror. “Harinawa ay magkaintindihan na nang tuluyan, and then Solar na.”
Kung hindi naman mareresolbahan ng PBA Board ang isyu hinggil sa tatayong official coveror ng liga, sinabi ni Barrios na mayroon pa rin namang opsyon na tinitingnan ang PBA Board.
“Kung meron namang bagay na hindi mapagkakasunduan on certain points, then we’ll have to see how things proceed,” sabi ni Barrios. (RCadayona)