May panibagong karangalang dinala si Paeng Nepomuceno sa Pilipinas, at hindi ito bilang isang bowler, kundi bilang isang iginagalang na coach.
Ang four-time World Cup winner ang nagpatakbo ng kauna-unahang United States Bowling Congress Coaching Program silver certification course sa labas ng Amerika. Natapos ang kurso noong May 7 sa Manila, at limang bagong USBC Silver coaches ang sinanay upang ituro ang sport ng bowling saanman sa mundo.
Iginawad ni Nepomuceno, isang six-time world bowling champion at Silver at Bronze USBC instructor, ang mga certification sa mga Singapore-based coaches na sina David Wong, Han Keong at Chew Helmi B. Adam, at sa Australyanong si ian Eric Jang, na lumipad dito upang lumahok sa seminar.
Si Jang ang dating coach ng multiple Ladies Pro Bowling Association champion Cara Honeychurch ng Australia, at back-to-back bowling World Cup champion Jeanette Baker.
Ang dating Philippine team member na si Maria Cecilia Yap, at Yap Seok Kim, isang Singaporean coach dito sa Pilipinas, ay nabigyan din ng sertipikasyon.
“It is for the first time that the USBC Coaching international has gone global and it is the only teaching program recognized by the US Olympic committee,” sabi ni Nepomuceno. “The coaches that I train don’t have to go to the States anymore get certified. I go to their country and once they pass the test after the seminar gets to be a Certified USBC coach.”
Magsasagawa pa si Nepomuceno ng USBC Level One and Bronze course sa Jakarta, Indonesia, July 4 to 6 bago ang kanyang ikalawang USBC Silver class sa Olympic Fun Bowl sa Hong Kong sa July 21 to 23.
“I greatly enjoy my new role as USBC Instructor and Ambassador, and I am happy to contribute to the USBC efforts to bring bowling to its rightful place in the Olympic Games,” dagdag ni Nepomuceno, sa kinikilala bilang pinakamagaling na bowler sa buong mundo.
Sa tulong niya, di lamang nakikilala ang mga Pilipino bilang bowler, kundi pati coach. At nagiging puntahan na rin ang bansa ng mga gustong gumaling sa bowling.