Bago tumulak patungong Los Angeles, California sa Lunes ng gabi, dadalo muna si Filipino boxing hero Manny Pacquiao sa turnover rites ng kanyang kaibigang si Lt. Gen. Alexander Yano sa Camp Aguinaldo.
Si Yano ang siyang sasalo sa maiiwang puwesto ng magreretiro nang si Gen. Hermogenes Esperon bilang Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Isang araw naman matapos ang kanyang pagdating sa Los Angeles, isang press conference na inorganisa ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang pupuntahan ng 29-anyos na si Pacquiao sa Bonaventure Hotel.
“Manny’s working hard and he told me that he would like to show up at the Wild Card in fine condition,” wika kahapon ni Rey Golingan, namamahala sa boxing gym ni Pacquiao sa General Santos City.
Ang nasabing press conference ay para sa kanilang world lightweight championship fight ni Mexican-American David Diaz, magdedepensa ng kanyang suot na World Boxing Council (WBC) crown sa ikalawang sunod na pagkakataon.
“Well, I would rather have him be in camp, but what can you do?” wika naman ni Arum kay Pacquiao, ang bagong WBC super featherweight champion. “He’s been working out lightly but he’ll have plenty of time. He’ll be arriving in Los Angeles this weekend.”
Sinabi ni American trainer Freddie Roach na sisimulan nila ang training ni Pacquiao sa Mayo 18 sa kanyang Wild Card Boxing Gym sa Hollywood katuwang sina sparmates Victor Ortiz at Freddie Norwood. (Russell Cadayona)