Malapit nang maabot ni Joegen Ladon ng Philippine Navy ang inaasam na pakikipagharap sa bigating si Joan Tipon, matapos ang kanyang impresibong panalo laban kay Junel Cantancio ng Philippine Air Force sa featherweight division ng 2008 PLDT-Smart Open Youth and Women’s Amateur Boxing Championships sa Robinson’s Place sa Iloilo City.
Binasag ni Ladon ang depensa ng kanyang kapwa national team member na si Cantacio sa quarterfinals matches na ginanap noong Huwebes ng gabi sa seniors’ class sa kanyang mga jabs at straights para sa magaang 33-21 points win.
“Wala naman akong naging problema, pero medyo sumakit itong kanang kamay ko. Pero hindi ito makakaapekto sa susunod kong laban,” pahayag ng 27-gulang na si Ladon, tubong Bago City, na susunod na haharap kay Jherigs Chavez (Dexter Santos Gym), 15-8 winner kay Misamis Oriental bet Alfredo Basadre.
Umusad din si Tipon, 2006 Asian Games gold medalist, sa semifinals sa kanyang impresibong panalo sa Cebu City bet na si Jerry Pajal na kanyang pinabagsak, may 35 segundo na lamang sa first round upang makabawi sa kanyang pagkabigong makalusot sa tatlong qualifying Olympic events para sa Beijing Games sa Agosto.
Apat na left straights ang yumanig kay Pajal na sumuko para di 11na mapahamak pa kontra sa mas beteranong si Tipon na susunod na haharap kay Joel Haveria ng Sorsogon, nagtala ng 22-20 panalo kay Agustin Delarmino ng host Iloilo.
Nanalo din sa semis sina Philippine Navy bet Lhyven Salazar kay PAF at national pool member Jay-Ar Quiam sa bantamweight class, 53-42; Airman Albert Pabila kay Baguio bet Marvin Somodio sa light flyweight class, 19-11; at Davao Del Norte bet Froilan Saludar kay Jayson Pragata ng Batangas City, RSC-Outclassed sa first round.