RP athletes kailangang magpakita ng galing
Bago humingi ng suporta mula sa mga ‘Godfathers’, mas mabuting magpakita muna ng maganda ang mga national athletes, partikular na rito ay sa darating na 2008 Olympic Games sa Beijing, China.
Sinabi ni Philippine Olympic Committee (POC) president Jose “Peping” Cojuangco, Jr. na hindi basta-basta tutulong ang pribadong sektor hanggang walang nakikitang magandang resulta mula sa torneong sinasalihan ng mga Filipino athletes.
“Ipakita muna natin kung saan napunta yung naitulong nila,” wika ni Cojuangco sa mga ‘Godfathers’ na siyang nakaagapay ng Team Philippines sa pag-angkin sa kauna-unahang overall championships sa 23rd Southeast Asian Games noong 2005.
Sa kasalukuyan, tanging ang Microsoft at Chevron pa lamang ang nagbigay ng suporta sa Team Philippines para sa 2008 Beijing Games sa Agosto.
“Sabi ko nga sa kanila, sana itong tulong nilang ito ay tuluy-tuloy na at hindi lamang para ngayong taon, sabi ni Cojuangco sa naturang dalawang kompanya. “But of course, we have to show them some benifits for them also.”
Kabilang sa mga nakasikwat na ng Olympic ticket para sa 2008 Beijing Games ay sina swimmers Miguel Molina, Ryan Arabejo, JB Walsh, Daniel Coakley at Cristel Simms, divers Shiela Mae Perez at Rexel Ryan Fabriga, taekwondo jins Tshomlee Go at Maria Antonette Rivero, boxer Harry Tanamor, archer Mark Javier at shooter Eric Ang.
Kamakailan ay nabigo ang mga national rowers at fencers na makapag-uwi ng Olympic berth mula sa mga nilahukang Olympic qualifying tournaments. (RCadayona)
- Latest
- Trending