Ikalawang sunod na panalo ang nais tumbukin ng crowd favorite Barangay Ginebra habang makawala sa three-way logjam sa liderato ang pakay ng Red Bull.
Sa tulong ng 7-foot-1 import na si Chris Alexander, natikman ng Gin Kings ang kauna-unahang panalo sa kasalukuyang PBA Fiesta Conference.
Sa pagpapatuloy ngayon ng aksiyon sa Araneta Coliseum, hangad ng Ginebra na patunayan kung nakuha na nga nila ang tamang timpla.
Sasagupain nila ang Air21 sa tampok na laro sa Alas-7:20 ng gabi pagkatapos ng sagupaan ng Red Bull at Sta. Lucia sa alas-4:50 ng hapon.
Nagbigay bunga sa nangungulimlim na kampanya ng Gin Kings ang 102-99 panalo laban sa Purefoods noong Biyernes matapos mabokya sa limang sunod na laro.
“It’s a big confidence builder for us. This gives us a breather,” pahayag ni coach Jong Uichico matapos matikman ang kanilang unang tagumpay. “Our import (Alexander) complements our local talent. He arrived Tuesday morning, had a two-day practice, so ngayon pa lang pumapasok ang jet lag.”
Humakot si Alexander, pumalit kay Ernest Brown, ng 18-puntos, season-high 27-rebounds, anim na shotblocks na malaking tulong kina Jayjay Helterbrand na tumapos ng 24-puntos at 22 naman mula kay Mark Caguioa.
Sa pagdating ni Alexander, umaasa ang Ginebra na makakabangon sila sa pangungulelat bunga ng 1-5 record.
Nakaipit naman ang Red Bull sa pakikipagtabla sa 5-2 win-loss record sa Coca-Cola at Talk N Text at nais nilang solohin ang liderato.
Ngunit kung ang Realtors na may 4-2 record, ang magtatagumpay, sila ang papalit sa Bulls sa pakikisalo sa pamumuno at malalaglag ang Red Bull sa solong fourth place.
Ang Air21 ay may 3-3 record sa likod ng Magnolia, 4-3, kasunod ang Purefoods (2-4) nagde-depensang Alaska (2-5), Welcoat (2-5) at ang kulelat na Ginebra.(Mae Balbuena)