Makakaisa na kaya ang Gin Kings?

Magpaparada ang Gin Kings ng bagong import na si seven-foot-1 Chris Alexander na inaasahan ng mga taga Barangay Ginebra na magiging susi sa kanilang pagkopo ng unang  panalo  sa  PBA Fiesta Conference na magpapatuloy ngayon sa Araneta Coliseum.

“All we need is that first win,” pahayag ni coach Jong Uichico ng Ginebra na wala pang panalo sa limang laro sanhi ng kanilang  pangungulelat.

Si Alexander na pumalit kay Ernest Brown bilang ikatlong import ng Gin Kings ay may 11.6 puntos at 11.2 rebounds a game average para sa Sioux Falls Skyforce sa 2007-2008 National Basketball Association Developmental League (NBDL) season.

Makakalaban ng Ginebra ang sister company na Purefoods sa tampok na laro sa alas-7:20 ng gabi pagkatapos ng sagupaan ng Air21 at Alaska sa alas-4:50 ng hapon.

Napabalitang ipapalit  ng Purefoods si Chris Burgess nagtala ng 17.0 puntos at 17.0 rebounds average sa kampo ng San Miguel noong 2004 bago nagkaroon ng isang ankle injury para kay 6-foot-8 import Darius Rice.

Katabla ng Purefoods ang nadedepensang Alaska at Air21 sa 2-3 rekord sa ilalim ng Red Bull Barakos (5-1), Coca-Cola (5-2), Talk ‘N Text (4-2), Sta. Lucia (3-2), Magnolis (3-2) at  Welcoat (2-4). (Mae Balbuena)

Show comments