Matapos ang ilang beses na pakikipag-usap sa kanyang agent at mentors, itinuloy na kahapon ni Jason Castro ang balak na maging kauna-unahang Filipino cager na makikita sa Australian National Basketball League (ANBL) bilang isang reinforcement.
Isang eight-month contract na nagkakahalaga ng Australian $50,000 ang tinanggap ng two-time PBL Most Valuable Player (MVP) awardee para sa Singapore Slingers, isa sa mga koponang naglalaro sa ANBL.
Nakatakdang bumiyahe ang 5-foot-10 na si Castro sa Singapore sa Hunyo para sa pagbubukas ng 2008 season ng ANBL sa Hulyo 1 hanggang Pebrero 28.
“Hindi ko na rin pinakawalan ‘yung opportunity kasi minsan lang itong mangyari sa isang Filipino player na maglalaro sa ibang bansa as import,” wika ng 22-anyos na si Castro, gumiya sa Philippine Christian University sa unang NCAA crown nito noong 2004.
Humanga si Slingers’ team owner Bob Turner kay Castro nang maglaro ang RP Team sa 2007 SEABA Men’s Championships sa Jakarta, Indonesia na pinagharian ng mga Nationals ni coach Junel Baculi.
Inaayos na rin ng kanyang agent na si Danny Espiritu ang pagkakataong mailista siya sa darating na 2008 PBA Rookie Draft sa Agosto. (RCadayona)