Kung nahirapan si Mexican-American David Diaz kay dating world three-division champion Erik Morales bago maitakas ang isang unanimous decision, mas lalong sasakit ang kanyang katawan kay Filipino boxing hero Manny Pacquiao.
Ayon kay world flyweight titlist Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr., higit na mas malakas ang 29-anyos na si Pacquiao sa 31-anyos na si Diaz.
“Erik Morales, who is not as strong as Manny Pacquiao, gave David Diaz a hard time the last time. Si Pacquiao has more power than David Diaz aside form his speed,” sabi ng 25-anyos na si Donaire, ang two-time International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO) flyweight king.
Nakatakdang hamunin ni Pacquiao, ang bagong World Boxing Council (WBC) super featherweight ruler, si Diaz para sa suot nitong WBC lightweight belt sa Hunyo 28 sa Mandalay Bay Resort & Casino sa Las Vegas, Nevada.
Ibinabandera ni Pacquiao, inagaw ang suot na WBC super featherweight crown ni Mexican Juan Manuel Marquez via split decision, ang 46-3-2 win-loss-draw ring record kasama ang 35 KOs, samantalang dadalhin naman ni Diaz ang 34-1-1 (17 KOs).
Isang majority draw naman ang kinuha ni Diaz kay Mexican Ramon Montano noong Marso 15 sa undercard ng Pacquiao-Marquez fight matapos ang isang unanimous decision kay Morales noong Agosto 4 sa Chicago, Illinois.
Samantala, nakisosyo naman si Pacquiao kay businessman Cris Aquino para sa isang 12-villa resort sa Diniwid Beach sa Boracay West Cove. (RCadayona)