Nakalapit ang Adamson sa 10-game sweep matapos pasadsarin ang kulelat na St. Benilde, 25-21, 25-20, 25-22 habang isang magandang pabaon naman sa Lyceum ang 22-25, 25-18, 25-14, 19-25, 15-12 panalo laban sa Ateneo patungo sa quarterfinal sa pagpapatuloy ng Shakey’s V-League Season 5 kahapon sa The Arena sa San Juan.
Ito ang ikaapat na panalo ng Lyceum sa siyam na laro habang nalaglag naman ang Ateneo sa 4-6.
Umaasa ang Lady Eagles, na magbabalik na ang kanilang import na si Jindarat Kanchana na umuwi sa Thailand dahil yumao ang kanyang ama, upang mapalakas ang kanilang kampanya sa susunod na round.
Kasabay ng pagkopo ng league-leader na Adamson ng ikasiyam na panalo sa ligang ito na sponsored ng Shakey’s Pizza at inorganisa ng Sports Vision nalasap naman ng St. Benilde ang ika-siyam na sunod na talo ngunit may pag-asa pa sila sa quarterfinals kung saan papasok ang dalawang Visayas teams.