Kasabay ng pagpigil ng San Mig Coffee sa puntiryang ikatlong sunod na panalo ng Toyota Otis, tinapos rin ng Coffee Kings ang pangarap ng Sparks na makuha ang inaasam na ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinal round.
Umiskor ang San Mig ng isang malaking 86-69 panalo kontra Toyota Otis para makasilip naman ng tsansa sa isang ‘twice-to-beat’ advantage sa 2008 PBL Lipovitan Amino Sports Cup kahapon sa Emilio Aguinaldo College Gym sa Taft Avenue, Manila.
Sa inisyal na laban, bumangon naman ang Harbour Centre mula sa isang 12-point deficit sa first half upang gibain ang Bacchus Energy Drink mula sa 81-64 panalo.
Bumawi ang mga Batang Pier mula sa kanilang kauna-unahan pagkatalo patungo sa pagpoposte ng 13-1 baraha kasunod ang Hapee (9-5), Burger King (8-6), Toyota Otis (7-7), Pharex Medics (7-7), San Mig Coffee (6-8), Noosa Shoe (6-9), Raiders (5-10) at RP Youth (0-8).
Naglunsad ang San Mig ni Koy Banal ng mahabang 33-9 atake buhat sa 26-42 pagkakaiwan sa second period para ibaon ang Toyota ni Ariel Vanguardia sa 69-51 sa dulo ng third quarter mula kina Custodio, Raneses at Ford Arao.
Sapat na ito upang makuha ng Coffee Kings ang nasabing panalo kasabay ng pagbibigay sa Whoppers ng ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals.
“Masyado silang naging complacent after we got the top spot in the semis,” ani Gallent sa Batang Pier, nagmula sa 97-99 kabiguan sa Medics noong Sabado. “Feeling nila parang ‘yung mga remaining games namin no bearing na, kaya ayaw nang dumepensa.”
Huling natikman ng Raiders ang lamang sa 60-57 galing sa basket ni Angel Raymundo sa ilalim ng 8:00 minuto sa final canto bago ang inihulog na 20-0 bomba ng Batang Pier mula kina Jason Castro, Gerwin Gaco at Fil-Am guard Sol Mercado para ipadyak ang 77-60 abante sa huling 1:43 ng laro. (Russell Cadayona)