Bago nagkaroon ng 15-game losing streak ang Welcoat Dragons, ang huling koponang tinalo nito’y ang Magnolia Beverage Masters. Ito’y naganap noong Nobyembre 16 at ang final score ay 95-92.
Katunayan, iyon ang unang pagkakataong nakapagtala ng back-to-back na panalo ang Dragons buhat nang maging miyembro ng pro league. Kasi, ginapi nila ang Talk N Text Phone Pals sa overtime, 126-125 noong Nob. 11.
Puwede nga sanang naging tatlong sunud-sunod na panalo iyon para sa Welcoat. Pero naungusan sila ng Sta. Lucia Realty, 84-83 sa sumunod nilang game noong Nob. 21. At doon nagsimula ang kanilang15-game losing streak.
Well, nagwakas na nga ang mga kabiguan ng Welcoat nang talunin ng Dragons ang Purefoods Tender Juicy Giants, 110-103 noong nakaraang linggo. Sa Miyerkules, matapos ang sampung araw na pahinga ay tatangkain ng Dragons na magkaroon ng winning streak.
At ang kanilang makakalaban ay ang Magnolia Beverage Masters! Posible ba’ng makapagtala ng ikalawang back-to-back na panalo ang Dragons? At kung makakaulit sila sa Beverage Masters, ang susunod nilang assignment ay ang Sta. Lucia sa darating na Linggo.
Aba’y parang inuulit lang ang sequence at kasaysayan. Kung malalampasan ng Dragons ang susunod na dalawang pagsubok, baka sakaling magtuluy-tuloy na maging tunay na contenders. Pero siyempre, first things first.
Lalampas ba sila sa Magnolia na isa sa pinakamainit na koponan sa kasalukuyang PBA Smart Fiesta Conference? Ang Beverage Masters ay natalo sa unang dalawang games nila subalit nakapagtala ng tatlong sunud-sunod na tagumpay upang pantayan ang pinakamahabang winning streak ng torneo na nagawa ng Coke at Sta. Lucia.
So, doon pa lang ay makikitang medyo mahirap ang misyon ng Welcoat na makaulit sa Magnolia.
Ang bentahe nga lang ng Dragons ay dalawa ang kanilang imports na parehong matindi. Mahusay na point guard at scorer si Corey Santee samantalang effective namang big import si Marquis Gainous. Ani team owner Raymond Yu, “Old school import itong si Gainous. Hindi siya fancy tulad ng ibang import. Pero effective siya. Kung dumating kaagad siya at hindi na namin kinuha si Jason Keep, matagal na sanang napatid ang aming losing streak.”
May katwiran siya. Kasi mula nang dumating si Gainous ay naging maganda ang performance ng Dragons. Hindi na sila natambakan ng mga nakalaban.
So, pwede ngang magkaroon ng winning streak ang Dragons. Hindi naman masamang mangarap, ‘di ba?