Tagumpay si Concepcion

Maaari na ngayong tumingin sa kanyang magandang kinabukasan si Filipino super bantamweight sensation Bernabe Concepcion.

Ito ay matapos umiskor ang 20-anyos na si Concepcion ng isang second round technical knockout (TKO) sa 33-anyos na si American challenger Torrence Daniels para patuloy na isuot ang North American Boxing Federation crown kahapon sa Queretaro, Mexico.

Ang naturang panalo, pang 17 sunod na ng tubong Vigan, Catanduanes, ang nagbigay kay Concepcion ng 25-1-1 win-loss-draw ring record kasama ang 14 KOs, habang nahulog naman ang baraha ni Daniels sa 10-4-1 (4 KOs).

Nauna nang ipinangako ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang pagplantsa niya sa paghahamon ni Concepcion kay International Boxing Federation (IBF) super bantamweight titlist Steve Molitor.

Si Concepcion ay kasalukuyang No. 9 sa listahan ng IBF at No. 7 naman sa World Boxing Council.

Isang short hand ni Concepcion kasunod ang rapido kay Daniels ang nagpuwersa kay referre Ruben Carrion upang pigilin ang naturang 10-round bout sa 2:42 ng second round.

Ang mabigat na right hand ni Concepcion kay Daniels ang tuluyang nagtulak kay Carrion para awatin ang laban. (RCadayona)

Show comments