Nakatakdang idepensa ngayon ni Filipino Bernabe Concepcion ang kanyang suot na super bantamweight title laban kay American challenger Torrence Daniels sa Queretaro, Mexico City.
Ito ang ikatlong sunod na pagkakataon na ipagtatanggol ng 20-anyos na si Concepcion ang kanyang hawak na North American Boxing Federation (NABF) super bantamweight belt.
Sa kanilang official weigh-in kahapon, tumimbang ang tubong Vigan, Catanduanes ng bigat na 122 pounds, habang eksaktong 120 naman ang 33-anyos na si Daniels.
Dadalhin ni Concepcion ang kanyang 24-1-1 win-loss-draw ring record kasama ang 13 KOs kumpara sa 10-3-1 (4 KOs) card ni Daniels.
Nagmula si Concepcion sa isang unanimous decision laban kay Mexican challenger Juan Ruiz noong Pebrero 9 sa Guanajuato, Mexico.
Ang nasabing panalo ang siyang pang 16 sunod ni Concepcion.
Ipinangako ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang paghahamon ni Concepcion kay International Boxing Federation (IBF) super bantamweight champion Steve “The Canadian Kid” Molitor sakaling manalo kay Daniels. (RCadayona)