Bacchus, Toyota nabuhayan

Habang nakakita ng pag-asa ang Bacchus Energy Drink, pinalakas naman ng Toyota Otis ang kanilang tsansa para sa isang ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinal round.

Tinalo ng Sparks ang Pharex Medics, 104-99, samantalang niresbakan naman ng Raiders ang Hapee Complete Protectors, 74-70, sa second round ng 2008 PBL Lipovitan Amino Sports Cup kahapon sa Oreta Sports Center sa Malabon.

Ang naturang tagumpay ang nagangat sa rekord ng Toyota Otis sa 6-7 sa ilalim ng Harbour Centre (12-0), Hapee (9-5) at Burger King (8-6) katabla ang Pharex at kasunod ang Noosa (6-8), San Mig Coffee (5-8), Bac-chus (5-9) at RP Youth (0-7).

Sa likod nina Jon Aldave at Patrick Cabahug, umiskor ng 25 at 21 puntos, ayon sa pagkaka-sunod, kumawala ang Sparks ni Ariel Vanguardia sa third period mula sa 51-42 lamang sa Medics ni Carlo Tan sa halftime.

Makaraang iposte ang isang 20-point lead, 81-61, sa dulo ng naturang yugto, hindi na lumingon pa ang Toyota Otis sa Pha-rex patungo sa kanilang tagumpay.

“We still have to win our last two games para makuha namin ‘yung twice-to-beat advantage sa quarterfinal round,” wika ni Vanguardia. “At least lumakas pa lalo ‘yung chance namin.”

Tinapos naman ng Raiders ni Lawrence Chongson ang kanilang five-game losing skid para makaganti sa Complete Protectors ni Louie Alas.  (RUSSELL CADAYONA)

Show comments