Nakabangon sina Dennis Orcollo at Roberto Gomez mula sa one-loss side sa pagposte ng malalaking tagumpay para makausad sa knockout stage ng 2008 World 8-Ball Championship noong Lunes ng gabi sa Amir Billiards Club sa Fujairah City, United Arab Emirates.
Matapos ang 8-6 pagkatalo laban kay Englishman Mark Gray ni Orcollo, ang kasalukuyang world’s topranked cue artist at runner-up noong nakaraang taon, nakabawi ito matapos ang 8-2 panalo sa New Zealander na si Matt Edwards para makasiguro ng slot sa round-of-32 ng 8-day event na ito.
Naka-rebound din si Gomez, 2007 World Pool Championship runner-up, sa kanyang pagkatalo sa second round kay reigning World 10-Ball titlist Shane Van Boening nang blangkuhin nito si Canadian Francis Crevier, 8-0, para samahan ang mga kapwa Billiards Managers and Players Association of the Philippines (BMPAP) bets na sina defending champion Ronnie Alcano at Warren Kiamco sa KO phase.
“Malas ako sa break kaya natalo ako kay Gray pero pagkatapos n’un sinabi ko sa sarili ko na ayaw ko pang umuwi at sayangin ang pagkakataong ito na maging world champion,” sabi ng 29-gulang na bahagi ng star-studded Bugsy Promotions ni businessman Perry Mariano.
Nakapasok din ang Middle East-based Filipino cue artist na si Alan Cuartero sa Last 32 mula sa losers’ side. Natalo siya sa opening match laban kay Malaysian Ibrahim bin Amir, 8-4, ngunit umiskor ito ng back-to-back wins kina local bet Issa Al Boloshi, 8-1, at kababayang si Jeff de Luna, 8-5.
Mula sa 10 entries ng Pinas, anim ang pumasok sa knockout round na sina Alcano, Kiamco, Orcollo, Gomez, Cuartero at Elvis Calasang.
Nasibak naman sina Antonio Gabica, Joven Bustamante at Israel Rota.