Sa gitna ng kanyang problema hinggil sa kanyang manager at promoter, handa pa rin si Filipino world minimum-weight champion Florante ‘The Little Pacquiao’ Condes na idepensa ang kanyang korona sa Hunyo 14 sa La Paz, Mexico City.
“Basta ako, laban lang ng laban. Hindi ko na iniisip ‘yung mga problema ko sa manager or promoter,” sambit ng 27-anyos na si Condes, magtatanggol sa kanyang suot na International Boxing Federation (IBF) minimumweight crown kontra kay Mexican challenger Raul Garcia.
Inamin ni Condes, tubong Looc, Romblon, na halos isuko na niya ang kanyang hawak na IBF minimumweight belt bunga ng bigat ng kanyang suliranin matapos umiskor ng isang unanimous decision kay Indon fighter Muhammad Rachman noong Hulyo 7 sa Jakarta, Indonesia.
“Halos isang taon na rin akong walang laban or tune-up fights man lang dahil sa problema ko. Pero handa naman ako at nasa magandang kondisyon ngayon,” sabi ni Condes, ang ikalawang Filipino na nagkampeon noong 2007 matapos si IBF at International Boxing Organization (IBO) flyweight titlist Nonito “The Fiipino Flash” Donaire, Jr.
Nakipaghiwalay si Condes sa kanyang manager/promoter na si Aljoe Jaro matapos maibigay sa kanya ang parte sa prize money sa pagkakapanalo kay Rachman.
“Hindi ko pa gaanong alam ang style ni Raul Garcia pero may kumpiyansa naman ako sa sarili ko na kaya kong idepensa ang korona ko laban sa kanya,” wika ni Condes, dadalhin ang 22-3-1 win-loss-draw ring record kasama ang 20 KOs kumpara sa 22-0-1 (15 KOs) ni Garcia.
Si Filipino promoter Sammy Gelloani ang pansamantalang tumutulong ngayon kay Condes hinggil sa kanyang isinampang kaso laban kay Jaro sa Games and Amusement Board (GAB). (Russell Cadayona)