Unang laro ni Valenzuela sa Kings

Ito ang unang laro ni Junthy Valenzuela bilang Barangay Ginebra Gin King. Masakit man sa loob niyang iwanan ang Red Bull, kailangin niyang harapin ito.

“Sobrang hirap din para sa akin dahil matagal na rin naman kaming nagkasama,” wika ng 28-anyos na si Valenzuela na naging bahagi na ng Red Bull noong 1997 sa PBL pa. “Inisip ko na rin na ganoon talaga ang buhay basketbolista na kapag napunta ka sa ibang team, kailangan mong ibigay ang lahat.”

Nakatakdang sagupain ng Ginebra ang Coca-Cola ngayong alas-7:20 ng gabi matapos ang banggaan ng Talk ‘N Text at Sta. Lucia sa ganap na alas-4:50 ng hapon sa classification round ng 2008 PBA Fiesta Conference na magpapatuloy sa Araneta Coliseum.

 Nangunguna ang Realtors taglay ang malinis na 3-0 rekord kasunod ang Tigers (3-1), Bulls (3-1), nagdedepensang Alaska Aces (2-2), Phone Pals (2-2), Purefoods Tender Juicy Giants (2-2), Air21 Express (2-2), Magnolia Beverage Masters (2-2), Gin Kings (0-3) at Welcoat Dragons (0-4).

Galing ang Ginebra sa 97-101 kabiguan sa Sta. Lucia noong Sabado. Talo din ang Coke sa Air21, ang una nilang kabiguan matapos ang 3-sunod na tagumpay. Tangka naman ng Realtors ang ikaapat na sunod na panalo upang manatili ang kanilang hawak sa liderato.

Show comments