Sumandal ang defending champion Alaska Aces kina Jeffrey Cariaso at import Randy Holcomb na nagdeliber sa endgame upang maitakas ang 92-90 panalo kontra sa Welcoat na nagbigay ng mahigpit na hamon tungo sa pagpapatuloy ng classification round ng 2008 PBA Fiesta Conference sa Araneta Coliseum kahapon.
Tumapos si Cariaso ng 19-puntos, kabilang ang 3-of-3 sa three-point range, bukod pa sa apat na rebounds, habang may 26 points naman ang 6’7 na si Holcomb upang isulong ang Alaska sa 2-2 record katabla ang Air21, Talk N Text at Magnolia sa ilalim ng nangungunang Sta. Lucia na may malinis na 3-0 kasunod ang Coca-Cola (3-1), Red Bull (2-1) at Purefoods (2-1).
Habang sinusulat ang balitang ito ay naglalaban pa ang Bulls at Giants bilang main game kagabi.
Nagpakawala ang Alaska ng 10-5 atake upang makabangon sa 76-79 pagkakahuli papasok sa 7:57 ng ikaapat na quarter kung saan umiskor si Cariaso ng tres at pitong puntos mula kay Holcomb para kunin ang 89-84papasok sa huling dalawang minuto ng labanan.
Nakahirit pa ang Welcoat nang agawin nila ang kalamangan sa 90-89 mula sa dalawang tres ni Froilan Baguion, 1:21 minuto pa bago ang fade away ni Cariaso para sa 91-90 bentahe ng Alaska, 1:03 rito.
“We need to distribute the ball well, concentrate on where Willie (Miller) and Randy (Holcomb) is,” ani Alaska coach Tim Cone. “We need to get shots for Jeff (Cariaso), Larry (Fonacier), LA (Tenorio) to open up the defense. That our main thrust right now.”