Ayaw paawat ng Harbour Centre

Matapos maisakatuparan ang unang misyon, ang susunod na target ng  Harbour Centre ay maging No. 1 team pagkatapos ng double round eliminations ng PBL Lipovitan Amino Sports Cup  na magpapatuloy ngayon sa The Arena sa San Juan.

Sa 10th straight win via  99-92 decision kontra sa Toyota Otis kamakalawa, nakopo ng Batang Pier ang unang semis berth na siyang unang misyon ng Harbour Centre sa season-ending tournament na ito.

Inaasahang muling magbibida sina Jason Castro, TY Tang at iba pa na magdeliber para sa Harbour Centre na sasagupa ngayon sa San Mig Cofee sa alas-4:00 ng hapon sa tampok na laro.

Kung ang Batang Pier ang magiging No. 1 team, makakapamili sila kung sino ang kanilang kakalabanin sa dalawang team na makakalusot sa quarterfinals para sa best-of-five semis series.

Taglay ng Harbour Centre ang matayog na 10-0 record habang ang San Mig Coffee ay may 5-5 kartada sa likod ng pumapangalawang Hapee (8-4) at ikatlong Burger King (6-6).

Makakasagupa naman ng Whoppers ang Noosa Shoes sa alas-2:00 ng hapon na kapwa hangad manatili sa kontensiyon para sa quarterfinals.

Galing ang BK Whoppers sa  60-48 panalo laban sa Bacchus na tumapos ng kanilang four-game losing run.

Galing ang Shoe Stars (5-6) sa impresibong 80-73 win sa Pharex Medics- salamat sa 27-point performance ni Noy Javier.

Show comments