Ayaw paawat ng Harbour Centre
Matapos maisakatuparan ang unang misyon, ang susunod na target ng Harbour Centre ay maging No. 1 team pagkatapos ng double round eliminations ng PBL Lipovitan Amino Sports Cup na magpapatuloy ngayon sa The Arena sa San Juan.
Sa 10th straight win via 99-92 decision kontra sa Toyota Otis kamakalawa, nakopo ng Batang Pier ang unang semis berth na siyang unang misyon ng Harbour Centre sa season-ending tournament na ito.
Inaasahang muling magbibida sina Jason Castro, TY Tang at iba pa na magdeliber para sa Harbour Centre na sasagupa ngayon sa San Mig Cofee sa alas-4:00 ng hapon sa tampok na laro.
Kung ang Batang Pier ang magiging No. 1 team, makakapamili sila kung sino ang kanilang kakalabanin sa dalawang team na makakalusot sa quarterfinals para sa best-of-five semis series.
Taglay ng Harbour Centre ang matayog na 10-0 record habang ang San Mig Coffee ay may 5-5 kartada sa likod ng pumapangalawang Hapee (8-4) at ikatlong Burger King (6-6).
Makakasagupa naman ng Whoppers ang Noosa Shoes sa alas-2:00 ng hapon na kapwa hangad manatili sa kontensiyon para sa quarterfinals.
Galing ang BK Whoppers sa 60-48 panalo laban sa Bacchus na tumapos ng kanilang four-game losing run.
Galing ang Shoe Stars (5-6) sa impresibong 80-73 win sa Pharex Medics- salamat sa 27-point performance ni Noy Javier.
- Latest
- Trending