Sa unang pagkakataon, lalaro ang Red Bull na hindi kasama ang kanilang ‘Hitman’ na si Junthy Valenzuela matapos ipamigay sa Ginebra kapalit ng future first at second round draft picks.
Ang 6-foot-2 na si Valenzuela ang kasama nina Kerby Raymundo, Lordy Tugade, Davonn Harp, Jimwell Torion at Bernard Tanpua nang umakyat sa pro league ang Photokina franchise noong 2000 kung saan naging direct-hire nila si Fil-Australian Mick Pennisi.
Sasagupain ng Red Bull ang Purefoods ngayong alas-7:20 ng gabi matapos ang banggaan ng Alaska at Welcoat sa alas-4:50 ng hapon sa elimination round ng 2008 PBA Fiesta Conference sa Araneta Coliseum.
Nasa itaas pa rin ang Sta. Lucia Realtors mula sa kanilang 3-0 rekord kasunod ang Coca-Cola (3-1), Bulls (2-1), Giants (2-1), Talk ‘N Text (2-2), Air21 Express (2-2), Magnolia (2-2), Aces (1-2), Gin Kings (0-3) at Dragons (0-3).
Nagmula ang Red Bull sa 92-103 kabiguan sa Talk ‘N Text noong Biyernes kung saan 3 minuto lang ginamit ni coach Yeng Guiao si Valenzuela, habang isang 102-94 panalo naman ang kinuha ng Purefoods sa Air21 noong nakaraang Miyerkules.
Ibabandera ni Guiao sina seven-foot import Adam Parada, Cyrus Baguio, Mike Hrabak at Rich Alvarez katapat sina Raymundo, PJ Simon, Darius Rice, James Yap at Rico Villanueva.