Ngayong nagbalik na ang dating porma ng Hapee Toothpaste, hangad nilang makaganti sa Pharex habang nais naman ng San Mig Coffee na hatakin sa tatlong panalo ang kanilang wining run sa 2008 PBL Lipovitan Amino Sports Cup sa The Arena sa San Juan.
Matapos ipanalo ang kanilang huling tatlong laro,ang pinakahuli ay ang 100-85 panalo sa Burger King nitong Martes, ang Complete Protectors ang paborito sa kanilang pakikipagharap sa Pharex Medics sa alas-4:00 ng hapon.
Sa tulong ng mainit na shooting ni Francis Allera, ang all-around game ni Don Villamin at ang kinakailangang lakas na ibinigay ni Jam Alfan sa shaded lane, ginulantang ng Medics ang Complete Protectors, 100-96, sa first round.
Maghaharap sa opening game sa alas-2:00 ng hapon ang San Mig Coffee at Noosa Shoes habang ipagpapatuloy ng Toyota Otis ang kanilang winning drive sa pakikipagharap sa Nokia-Philippine Youth team sa alas-6:00 ng gabi.
Tulad ng Hapee, mainit din ang San Mig Coffee na umiskor ng back-to-back wins kontra sa Pharex at Bacchus Energy Drink.
Tabla ang Noosa Shoes at ang San Mig Coffee para sa ikalima at ikaanim na puwesto taglay ang 4-5 record. Hawak ng Toyota ang 3-6 kartada habang bokya pa rin ang RP Youth sa apat na laro.
Magmumula ang Dioceldo-owned Noosa Shoes sa malaking panalo laban sa Bacchus Energy kaya inaasahang magiging mahigpit ang labanan sa pagkakataong ito di gaya ng kanilang unang paghaharap.
Dahil sa career-high ni Glen Bolocon na19 points at pinagsamang 32-puntos nina veteran Neil Raneses at JP Alcaraz, nanaig ang Coffee Kings sa Shoes Stars, 86-68.