Ang husay ni Orcollo
Magkaiba ang naging kapalaran nina Dennis ‘Robocop’ Orcollo at Alex ‘The Lion’ Pagulayan sa pagbubukas kahapon ng second leg ng 2008 Guinness 9-Ball Tour sa G Hotel sa Penang, Malaysia.
Tinalo ni Orcollo si Ricky Yang ng Indonesia, 9-7, para makalaban sa susunod na round si former Asian 9-Ball tour over-all champion Yang Chingshun ng Chinese-Taipei sa Group E, tinaguriang “group of death.”
Yumuko naman si Pagulayan, ang 2004 WPA World 9-Ball Champion at 2005 US Open titlist ay yumuko naman kay 2005 Manila Southeast Asian Games 9-ball gold medalist Luong ChiDong ng Vietnam, 7-9, sa Group C at huling asignatura si Ryu Seong Woo ng Korea.
Kung papalaring manalo si Orcollo kay Ching-shun kagabi ay uusad siya sa knock-out stage na gaganapin ngayon.
Mahirap naman ang tatahaking landas ni Pagulayan na ‘must win situation’ siya kay Ryu at manalangin na manalo naman si Ryu kay Luong para makapuwersa ng two-way tie at umasang manalo sa tie break points.
Habang isinusulat ito, kasalukuyang nagtutumbukan pa lamang sina Antonio ‘GaGa’ Gabica at Joven ‘The Shark’ Bustamante, na layuning mahigitan ang kanyang runner-up finish sa kick off leg noong nakaraang buwan sa Taipei, Taiwan na pinagharian ni Taiwanese Chang Junling.
Haharap naman si Gabica, ang 2007 SMB-Solar Sports RP 9 Ball Open champion at 2007 Thailand Southeast Asian Games gold medallist, kina Ibrahim Bin Amir ng Malaysia sa Group B at Bernard Tey ng Singapore ayon sa pagkakasunod habang kalaban naman ni Bustamante sina Naoyuki Oi ng Japan at Sumit Talwar ng India sa Group H.
Ang mananalo sa bawat leg ay tatanggap ng US$15,000 habang ang Grand Final Champion ay mag-uuwi ng premyong US$36,000. Ang Guinness 9-Ball Tour ay bukod tanging ranking tour sa Asia kung saan masisilayan sa main draw ng WPA World Pool Championship ang top 10 finishers sa Tour’s Order of Merit.
- Latest
- Trending