Peñalosa ayaw maging kumpiyansa

Alam ni Filipino world bantamweight champion Gerry Peñalosa na mananalo siya, ngunit hindi siya maaaring magkumpiyansa laban kay Thai challenger Ratanachai Sor Vorapin.

Sinabi kahapon ng 35-anyos na si Peñalosa na hindi niya masasabing ma-papabagsak niya ang 31-anyos na si Vorapin sa ka-nilang ikalawang pagkikita matapos noong 2000.

“Mahirap magsabi dahil si Vorapin alam kong ensayado talaga siya at gusto rin niyang manalo dahil nanggaling rin itong belt sa kanya at gusto niyang mabawi,” ani Peñalosa. “Sa part ko naman, kailangan ko itong idepensa at hindi ito puwedeng ibigay sa kanya.”

Idedepensa ni Peñalosa ang kanyang hawak na World Boxing Organization (WBO) bantamweight belt laban kay Vorapin sa Abril 6 sa Araneta Coliseum.

Bilang paghahanda sa kanyang unang title defense, halos 10 linggong nag-ensayo si Peñalosa, kasama na rito ang lima sa Wild Card Boxing Gym ni American trainer Freddie Roach sa Hollywood, California. (R.Cadayona)

Show comments