Tañamor kumpiyansa sa Beijing

Kumpiyansa si Filipino light flyweight Harry Tañamor sa kanyang tsansa sa darating na 2008 Olympic Games sa Beijing, China sa Agosto.

Ito ay sa kabila ng mag-isa niyang dadalhin ang bandila ng Pilipinas sa larangan ng boxing bunga ng kabiguan ng mga tulad nina 2006 Doha Asian Games gold medalist Joan Tipon at Violito Payla, Genebert Basadre, Godfrey Castro at Orlando Tacuyan, Jr. sa nakaraang Olympic qualifying tournament.

“Confident naman ako kasi maganda naman ‘yung ginagawa naming training,” sabi ni Tañamor.

Nakuha ni Tañamor, ang two-time gold medal winner ng Southeast Asian Games noong 2003 at 2005, ang kanyang Olympic ticket matapos mag-uwi ng silver medal mula sa World Amateur Boxing Championships sa Chicago, USA noong Agosto ng 2007. 

“Alam ko na kaya kong manalo kasi hindi ako nag-papabaya sa training ko at may magandang naitutu-long sa akin ‘yung mga Cuban coaches in terms of technique kung paano ako makakatama sa kalaban na may puntos,” wika ni Tañamor.

Sa 2004 Olympic Games sa Athens, Greece, umabot lamang sa Round of 16 ang tubong Bacong, Negros Occidental na si Tañamor makaraang mabigo kay South Korean bet Hong Moo-won.

Si Tañamor, nakatutok sa kanyang rematch kay World Amateur Boxing gold medalist Zou Shiming ng China, ay nakasuntok ng bronze medal sa 2001 at 2003 World Amateur Boxing Championships.

“Iaalay ko itong laban ko sa Olympics sa buong bansa at sa mga kapwa ko amateur boxers,” sambit ni Tañamor, nag-uwi ng silver medal mula sa 2002 Asian Games sa Busan, Korea. (RCadayona)

Show comments