Nang una kong makilala si Romel Adducul, alam kong malayo ang mararating nito. Una, mabait siya’t mahusay maglaro ng basketbol. Di nagtagal ay naging Christian siya, at nabarkada sa mga matitinong basketball player.
Sa MBA, si Romel at Alex Compton ang nanguna sa pagtala ng Manila MetroStars ng kampeonato, kasama dito ang bagong rekord na 22 sunod na panalo, tinalo ang 19 na rekord ng Crispa. Siya rin ang unang Pinoy na naging Asian basketball All-Star.
Subalit sa PBA, tila puro laban ang hinarap ni Adducul. Una, pinag-initan siya ng mga beterano dahil sikat siya sa MBA. At napunta siya sa mga team na hindi talaga siya kailangan, o kaya’y iba ang pangangailangan.
Naghahanap ng malaki ang Purefoods, dahil butas ang kanilang frontline. Una, na-injured ang rookie power forward na si Jondan Salvador. Sinundan ito ng aksidente ni Eugene Tejada. Pagdating ni Adducul, nakatikim muli ng championship ang Giants.
Sa nakaraang Philippine Cup Finals, napansin ng Giants ang bukol sa leeg ni Romel. Akala nila, kulani lang. Pero may iba na si-yang nararamdaman.
“I saw him grasping for breath (during the finals),” sabi ni Giants head coach Ryan Gregorio. “It was because one of his nostrils was already blocked.
Nagpatingin si Romel, at ginawan ng biopsy ang bukol. Doon natagpuang mayroon siyang nasopharyngeal cancer, na madalas na nakukuha ng mga Asyano.
Maaari ring nakuha ni Romel ang sakit mula sa kanyang amang nakaligtas sa lung cancer dala ng sobrang paninigarilyo.
“Di ako nag-aalala,” sabi ni Adducul. “Todo ang suporta ng Purefoods management, pati na yung wife ko. I’m seeing the best doctors, and I feel strong. I’m so grateful.”
“If there’s anyone I know who will fight this to the end, it’s Romel,” dagdag ni Gregorio. “He has been fighting since Day One. He’s been fighting for a spot on this team, for recognition as a basketball player. He wants to play. I told him, as soon as he gets medical clearance, he can play.”
“We’re not rushing him, whenever he’s ready to come back, we’ll be waiting for him,” sabi ng naluluhang Kerby Raymundo, ang unang nakaalam ng kundisyon ni Romel. “Parang ang bigat pagpunta ko sa praktis. Promise ko kay Romel di ko sasabihin kahit kanino.”
Iisa lang ang hinihintay ni Romel Adducul, ang milagrong magpapabilis sa kanyang paggaling. At wala akong dudang darating iyon.