Dumating na ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao sa General Santos City at gaya ng inaasahan ay naging mainit ang pagsalubong sa bagong World Boxing Council (WBC) super-featherweight champion.
At siyempre, walang tigil si Pacquiao sa pakikipagkamay, pagpirma ng autograph at pagpapakuha ng litrato sa mga fans na dumagsa sa General Santos International Airport kung saan nagkaroon ng maigsing welcome rite na pinangunahan nina Mayor Pedro Acharon Jr. at Rep. Darlene Custodio na tumalo sa kanya sa eleksiyon.
Nagmotorcade si Pacquiao sa lungsod at tumuloy sa Malungon town sa Sarangani kung saan nananghalian ang buong entourage at nagkaroon ng isang seremonya para gawin itong Datu.
Noong Martes ng gabi, pinarangalan si Pacquiao na Boxers of the Year sa 8th annual Elorde Awards Night Banquet of Champions sa Grand Ballroom ng Manila Hotel.
Ito ang ikapitong pagkakataong tinanggap niya ang award na ginaganap bilang pag-alala sa batikang boksingero na si ‘Flash Elorde’ kaya siya ay iniluklok sa Elorde Hall of Fame.
“Hindi ko makakalimutan ito sa buong buhay ko. Dagdag karangalan sa pamilya namin ito,” ani Pacquiao.
Samantala, luminaw ang posibilidad na makalaban ni Pacquiao ang knockout artist na si Edwin Valero matapos makakuha ang Venezuelan boxer ng boxing license sa Texas.
Wala pang talo si Valero sa 23 fights, puro KO, Valero, at siya ang kasalukuyang 130-pound champion ng World Boxing Association. (Mae Balbuena)