Matagumpay naman ang idinaos na motorcade kay Pacquiao na inorganisa ni Department of Environment and Natural Resources Secretary Lito Atienza.
Ngunit sa pagkakataong ito, walang kasamang kahit sinumang politiko si Pacquiao sa kanyang float upang makaiwas sa mga intriga.
Bago mag-alas-10 ng umaga ay umarangkada na ang motorcade na dumaan sa mga pangunahing lansangan ng Quezon Avenue, Manila, Pa-say at nagtapos sa Makati.
“Ayaw ko munang haluan ng pulitka ang motorcade ko. Malayo pa naman ang eleksiyon, huwag munang pag-usapan ang pulitika,” ani Pacman.
Gayunpaman, naintriga pa rin si Pacquiao dahil muli niyang hindi pinaunlakan ang naunang planong magarbong pagsalubong ng City of Manila na ang alkalde ay si Mayor Alfredo Lim na tumalo naman sa anak ni Atienza na si Arnold sa elekyon noong nakaraang taon.
Ngunit sa isang panayam, nilinaw ni Pacquiao na bukas siya sa mga imbitasyon ng ibang City Mayors para sa motorcade ngunit depende sa kanyang iskedyul.
Nanatiling nakatira ang pamilya ni Pacquiao sa Renaissance Hotel sa Makati at inaasahang sa araw na ito ay lilipad na patungong General Santos City para sa isa pang magarbong pagsalubong ang naghihintay sa kanya.
Nagtungo rin si Pacquiao sa Philippine Army Headquarters kung saan nagsagawa ito ng Unity walk kasama si Army chief Alexander Yano sa Fort Bonifacio bilang bahagi ng pagdiriwang ng Army Anniversary.