Panahon na ng pagbabago ni Manny Pacquiao.
Sa kanilang napagkasunduan ng asawang si Jinkee, handang ipagbili ng bagong World Boxing Council (WBC) super featherweight champion ang kanyang daan-daang mga manok na kanyang ipinangsasabong sa General Santos City at maging sa Davao City.
“Iyong bisyo, ‘yung sugal o ‘yung pagtatapon ng pera, ‘yon ang mahirap rin para sa amin,” sabi ni Jinkee. “Before, nadaanan ni Manny ‘yan, pero ngayon na-realize niya na hindi maganda para sa pamilya yung nagwawaldas ng pera. Napag-usapan na namin ni Manny na ibebenta na niya lahat ng manok niya.”
Bago ang kanilang sumpaang mag-asawa, ilang beses na ring napaulat ang pagsasabong at pagbibilyar ni Pacquiao. Maliban sa sabong at bilyar, ilang ulit na ring umusbong ang tsismis kay Pacquiao at kina Ara Mina at Valerie Concepcion.
“Pinakamasakit sa akin ‘yung asawa ko naiintriga sa ibang babae,” sabi ni Jinkee, isang dating sales girl ng Ponds at ngayon ay may tatlong anak kay Pacquiao na sina Jemuel, Michael at Mary Divine Grace.
Kumpara sa kanilang ama, sinabi nina Jemuel at Michael na mas gusto nilang maging duktor kesa maging isang professional boxer katulad ni Pacquiao.
“Sa bahay ko wala akong boxing ring, walang punching bag, walang mga gamit sa boxing kasi ayoko silang maging boksingero,” sabi ni Pacquiao, planong magbalik sa kanyang pag-aaral sa Notre Dame University. (RCadayona)