ASTANA, Kazakhstan -- Bigo si flyweight Godfrey Castro sa kanyang unang pagkakataong makakuha ng ticket sa Beijing Olympics dahil sa nakakadudang scoring ngunit may isa pa siyang pagkakataon sa ika-lawa at final Olympic boxing qualifying tournament dito.
Ayaw bigyan ng limang judges ng puntos ang 24-gulang na si Castro kaya napagkaitan ito ng tsansang makasama sa Beijing Games matapos ang 23-25 loss sa kanyang semifinals bout kay G. Donirayov ng Uzbekistan sa labanang prinotesta ng Kazakh crowd sa Sports Palace na isinisigaw ang pangalan ni Castro.
“Inilabas ko na ang lahat ng makakaya ko, pero sorry po ayaw talaga ako ng mga judges,” wika ng naiiyak na si Castro. “Meron pa akong pag-asa bukas sa box-off pero dapat sana nakuha ko na ngayon pa lang.”
May ikalawang pagkakataon si Castro sa Olympic ticket sa Linggo sa pakikipagharap kay Indian Kumar Jintender, na nag-retire sa third round ng kanyang semifinals match kay Mirat Sarsembayev ng Kazakhstan para sa ikatlo at huling Olympic berth na nakataya sa 51 kilos category.
Natalo naman ang ikalawang Filipino semifinalist ng five-man RP Smart-PLDT Boxing Team na si lightweight Genebert Basadre kay Merey Akshalov ng Kazakhstan na agad umabante sa 24-4 lead sa third round para sa kanyang RSC-OS (Referee Stopped Contest-Outscored) win.