Orcollo lalaban para sa titulo

Naglista pa si reigning world no.1 Dennis Orcollo ng dalawa pang panalo upang kumpletuhin ang kanyang pagbangon mula sa losers’ bracket at makopo ang unang first finals slot sa San Miguel Beer-Quezon City 9-Ball Championship kahapon sa punum-punong activity center ng Trinoma Mall sa Quezon City.

Sa kanyang sudden-death match sa kaagahan pa lamang ng third round, nagpamalas ng impreibong laro si Orcollo para katakutan ito nang kanyang sibakin si qualifier Russian Petiza, 9-5, bago niya isinunod ang kanyang kapwa seeded player na si Ramil Gallego, 11-7, sa semifinals at mangailangan na lamang ng isang panalo para sa prestihiyosong titulo at  $10,000  top purse sa tournament na hatid ng San Miguel Beer sa pakikipagtulungan ng Quezon City government sa ilalim ni Mayor Sonny Belmonte.

Makakalaban ng 29-gulang na Surigao del Sur native at mainstay ng Bugsy Promotions ang mananalo sa isa pang Final Four match sa pagitan ni former world no.1 Francisco ‘Django’ Bustamante at 2007 World Pool runner-up Roberto Gomez na naglalaro pa habang sinusulat ang balitang ito.

Ang championship match sa first major pool event na ito ng bansa sa taong ito na coorganized ng Bugsy Promotions, Puyat Sports at Negros Billiards Stable at suportado ng Billiards Managers and Players Association of the Philippines (BMPAP) ay nakatakda rin kagabi.

“Hindi biro itong dinaa-nan ko,” ani Orcollo na bumagsak sa one-loss side dahil sa kanyang pagkatalo kay Dondon Razalan. “Kaya sana ako na magchampion dito, at pipilitin ko talagang makuha ito.”

Bago talunin si Petiza at ang naunang walang talong si Gallego,  kinailangan ding lusutan ni Orcollo ang kanyang stablemate at former double world champion Ronnie Alcano, 9-8, at si Leonardo Didal, 9-5, upang manatili sa kontensiyon sa three-day competition na ito na sponsored ng PAGCOR, Trinoma, Philippine Star, Ayala Malls and Philippine Poker Tour (PPT).

Show comments