LOS ANGELES — Pagkatapos ng pitong linggong pagpapagod sa kalsada at sa gym, bumaba na ang timbang ni Manny Pacquiao mula 150 sa 133 lbs.
Isang linggo bago ang official weigh-in para sa kanyang rematch laban kay Juan Manuel Marquez sa Las Vegas, walang magiging problema si Pacman para abutin ang 130-lbs limit.
Pagkatapos ng two-hour workout na kinapalooban ng sparring, tinimbang si Pacquiao sa harap ng WBC representative sa Wild Card Gym nitong Sabado sa Mandalay Bay.
“He’s 133!” sigaw ni Eric Brown, ang conditioning coach, pagkatapos timbangin si Pacquiao na pinalibutan ng mga trainers, fans at media.
Nasa tabi ni Pacquiao si Bonie Martinez ng WBC na nag-utos ng weigh-in na ito para kina Pacman at Marquez, ang reigning champion. Kailangang hindi lalagpas sa 136.5 lbs. ang dalawang boxer.
Tinimbang din si Marquez sa harap ng WBC representative sa Mexico City at may bigat ito na 131 lbs, magaan ng dalawang libra sa kanyang timbang noong Feb. 15. Hindi naging problema ng Mexican fighter ang kanyang timbang.
Inamin ni Pacquiao na noong dumating siya sa LA noong Jan. 15 para sa two-month training, may bigat itong 150lbs. Bumaba ito sa 139 lbs. pagkatapos ng isang buwan.
“We’re slowing down the work. Three pounds to go with a week away is no problem,” ani Roach
“Dalawang beses akong kumain pagkatapos ng workout kahapon, marami akong nainom na tubig ngayong umaga kaya ang timbang ko 133,” pahayag ni Pacquiao. “Pero malapit nang matapos ang paghihirap ko.” (Abac Cordero)