Masikip sa West
Tila kumikipot ang daan patungo sa tuktok ng Western Conference sa NBA.
Sa ngayon, halos limang panalo ang namamagitan sa walong koponang tinatayang papasok sa playoffs, at lahat ay napakataas ng rekord. Ang pansiyam na Denver Nuggets ay di nalalayo sa pangwalong Golden State Warriors.
Sa oras na naisulat ito, ang San Antonio Spurs ang kasalukuyang naghahari sa West na may 41 panalo at 17 talo. Ang Golden State, 37 pa-nalo at 22 na talo. Nasa gitna nila ang Los Angeles Lakers, New Orleans Hornets, Utah Jazz, Houston Rockets, Phoenix Suns at Dallas Mavericks.
Kung ihahambing sa East, ang Washington Wizards, Philadelphia 76ers at New Jersey Nets ay di pa nananalo ng kalahati ng kanilang mga laro subalit nasa pang-anim hanggang pangwalong puwesto.
Sino ang malalaglag sa West? Marami ang nagsasabing mauuna rito ang Rockets, dahil wala na si Yao Ming dala ng stress fracture sa paa.
Bagamat nakapagwagi na ng tatlong sunod habang wala si Yao (at 15 sunod sa pangkalahatan) marami ang nagdududa na hindi maipapagpatuloy ng Houston ang mga panalo, dahil nawala ang 22 points at 12 rebound per game ng kanilang sentro. At ang halos lahat ng karibal nila sa tuktok ng West ay nagpalakas ng husto.
Sabi naman ng iba, ang Dallas ang malalaglag. Puro masasakit ang mga talo nila mula nang dumating si Jason Kidd sa line-up, puro maliliit na puntos lang ang pagitan. Apat sa unang limang laro ni Kidd ay natapos sa pagkatalo.
Pananaw naman ng ilan, ang Pheonix ang mapag-iiwanan, dahil hindi pa nila naaayos ang kanilang laro mula nang dumating si Shaquille O’Neal, at kulang sila sa depensa. Subalit, malakas na ang Suns bago pa man dumating si Shaq, at hindi naman papayagan ni Steve Nash na malaglag sila.
Sa kabilang panig, siyam na sunod ang naipanalo ng San Antonio, at siyam sa huling sampung laro ang nakuha ng Los Angeles Lakers. Ang lahat ng ibang nakikipaghabulan (liban sa nabanggit na Rockets) ay di makapagpanalo ng higit sa apat na sunud-sunod.
Sa East , Boston Celtics at Detroit Pistons ang namamayani, pero umaangat din ang Orlando Magic, Cleveland Cavaliers at Toronto Raptors. Nakuha ng Celtics ang beteranong point guard na si Sam Cassell, na may dalawang championship nang siya nasa Houston pa.
Maaaring ito na ang huling hinahanap nila para mabuo ang pagiging isang championship team.
Marami ang may gustong magharap muli ang Lakers at Celtics sa Finals, pero marami pang pwedeng mangyari bago makarating doon.
- Latest
- Trending