Mahirap na sigurong mapantayan sa Philippine Basketball League ang record ng Harbour Centre na kumopo ng apat na sunud-sunod na kampeonato.
Bago kasi ito nagawa ng Batang Pier, ang Tanduay Rhum ang siyang may hawak ng record na Grand Slam o tatlong sunud-sunod na titulo. Well, na-break na nga iyon ng Harbour Centre matapos na hiyain nito ang Hapee Toothpaste sa nakaraang torneo.
At ngayon ay pupuntiryahin ng Batang Pier ang kanilang ikalimang sunod na kampeonato. Aba’y mas mahirap na ma-break iyon kung saka-sakaling magawa nga ng Harbour Centre.
Aba’y kapag tinignan ang line-up ng Harbour Centre sa PBL Unity Cup na magsisimula ngayon, mapapailing ang karamihan. Star-studded kasi ito.
Nagbalik sa poder ng Harbour Centre ang premyadong manlalarong si Jason Castro kasama ang ilang naging kakampi niya sa Philippine team na nagkampeon sa nakaraang Southeast Asian Games na ginanap sa Thailand. Kabilang dito ang mga tulad nina Jonathan Fernandez, Beau Belga at ex-PBA cager na si Boyet Bautista.
E kung noong wala ang mga ito’y nagawa ng Harbour Centre na mamayagpag, ngayon pa kaya? Aba’y tila kayang-kaya ng Harbour Centre na makalima!
Kasi nga, noong wala sina Castro, ang mga baguhang miyembro ng koponan na tulad nina Tyrone Tang, Rico Maierhofer at Solomon Mercado ang siyang bumuhat sa team tungo sa tagumpay. E, ngayon ay todo-todo na lahat.
Kaya naman tama lang na ang Harbour Centre ang siyang katakutan ng ibang teams na kalahok sa Unity Cup. Ang Batang Pier ang siyang magiging pamantayan ng lahat.
Siyempre, may magsasabing hindi porke’t walang puwedeng itapon sa team ng Harbour Centre ay unbeatable na ito. Hindi naman kasi sabay-sabay na maipapasok ang mga superstars. Limahan din naman ang paggamit ng coach sa kanyang mga manlalaro.
Pero tila sanay na sanay na itong si coach George Galent sa pag-shuffle ng mga superstars. Kabisado na niya ang kiliti ng kanyang mga manlalaro.
At buong-buo naman ang suportra ng team owner na si Mikee Romero sa kanyang coaching staff at players. Katunayan, ang suporta ni Romero ay hindi lang para sa kasalukuyang conference. Matindi din talaga ang vision niya dahil sa ang kanyang pinaghahandaan ay ang mga susunod na torneo ng PBL. Ang dami niyang reserbang players dahil alam niya na karamihan sa mga manlalaro niya ngayon ay aakyat na sa PBA sa Agosto.
So last chance ng mga ito na magkampeon sa PBL at magpataas ng presyo nila sakaling pumasok sila sa PBA Draft. Tiyak na pupukpok sila.
Iyon ang inaaashan nina Romero at Galent.
Malamang sa makalima ang Harbour Centre. At baka madagdagan pa!