Dalawang dating PBA superstars ang inaasahang pupukaw ng atensyon sa 2008 PBL Unity Cup na didribol sa Sabado sa The Arena sa San Juan.
Kinuha ng Burger King, dating Mail & More, sina Jerry Codiñera at Vergel Meneses para maging assistant ni head coach Allan Gregorio.
“Siyempre, malawak na ang experience nila sa PBA kaya malaki talaga ang maitutu-long nila sa Burger King,” sabi ni Gregorio, utol ni Ryan Gregorio ng Purefoods Tender Juicy Giants.
Ang offensive side ang siyang ibibigay ng 6-foot-2 na si Meneses, ang 1995 PBA Most Valuable Player awardee, samantalang ang kanyang defensive technique ang ibabahagi ng 6’6 na si Codiñera sa mga Whoppers.
“I’m here to help the team kung ano ‘yung kaya kong itulong sa kanila in terms of defense,” wika ni Codiñera, naging katambal ni four-time PBA MVP Alvin Patrimonio sa Purefoods.
Kaagad na makakatapat ng Burger King ni Grego-rio ang nagbabalik na Noosa, dating Blu Detergent, ni Leo Isaac sa alas-2 ng hapon bago ang banggaan ng nagdedepensang Harbour Centre ni Jorge Gallent at ng San Mig Coffee ni Koy Banal sa alas-4.
Asam ng Batang Pier ang makasaysayang fifth title makaraang pagharian ang 2007 PBL V-Go Cup kontra Hapee Complete Protectors sa ilalim ni dating Toyota mentor Louie Alas matapos sibakin si Jun Noel.
“I think we have the same chance like last conference kasi most of the teams right now have beefed up their respective line-ups,” ani Gallent. “And every conference talagang may pressure for us to win the title. We’ll just take it one game at a time.” (RCadayona)