Duwelo sa Backcourt
Sa best-of-seven championship series sa pagitan ng Sta. Lucia Realty at Purefoods Tender Juicy Giants ay parang magandang sideshow ang magaganap sa backcourt sa pagitan ng dalawang talented rookie point guards na sina Ryan Reyes at Chico Lanete.
Ang dalawang ito ay mahahalagang piyesa sa kampanya ng kani-kanilang koponan at kitang-kita ang kanilang kontribusyon sa mga nagdaang laro.
Si Reyes ay third pick overall sa 2007 PBA Rookie draft. Siya’y hinugot ng Sta. Lucia matapos na kunin ng Welcoat bilang top pick si Joe Calvin DeVance at sungkitin naman ng Magnolia bilang No.2 pick si Samigue Eman.
Marami nga ang nagtaka kung bakit isang guwardiya at hindi isang big man ang kinuha ng Realtors ganung available pa naman sina JC Intal, Doug Kramer, Ken Bono at JR Quiñahan.
Pero sa dakong huli ay nakita ng lahat na tama si SLR coach Teodorico Fernandez III. Si Reyes ay mas pakikinabangan kaysa sa mga big men na nabanggit.
Katunayan, sa huling laro ng best-of-seven semis sa pagitan ng Sta. Lucia at Alaska Milk ay nagningning nang husto si Reyes hindi lamang sa opensa kundi sa depensa. isa siya sa dahilan kung bakit nagwagi ang Realtors at nakapasok sa championship round.
Si Lanete naman ay nakuha ng Purefoods bilang isang rookie free agent. tatlong taon na ang nakalilipas nang mag-apply sa Draft si Lanete subalit hindi napapirma ng alin mang koponan. Nagbalik siya sa Philippine Basketball League at naglaro para sa Harbour Centre.
Bilang isang Batang Pier, si Lanete ang siyang nagtimon sa Harbour Centre at naging isa sa dahilan kung bakit namayagpag ang team ni Mikee Romero sa PBL. Naging bahagi siya ng tatlong kampeonatong sunud-sunod na napanalunan ng Harbour Centre.
Suwerte nga ni Purefoods coach Paul Ryan Gregorio na nakuha niya si Lanete dahil sa maraming ibang mga koponan sa PBA ang naghangad sa serbisyo ng point guard na ito.
Nagkita na sina Lanete at Reyes sa PBL. Ito’y habang naglalaro si Reyes sa Henkel Sista. Ang huli nilang pagtatagpo ay nangyari sa semifinals ng Unity Cup kung saan nagwagi nga
So kung titignang maigi ang match-up ng dalawang point guards, marahil ay masasabing gigil na gigil si Reyes na mabawian si Lanete. At marahil ay ibubuhos niya ang pagngingitngit na ito.
Pero siyempre, ito namang si Lanete ay comportable sigurong nagsasabing: “Minsan na kitang tinalo. Puwede pa akong makaulit!”
Well, tingnan natin kung ano ang mangyayari sa kanilang duwelo sa backcourt!
- Latest
- Trending