BANGKOK — Pinaglaruan lang ni bantamweight Joan Tipon ang kulang pa sa karanasang si Mukamamad Ali ng Pakistan na pinaulanan niya ng suntok sa ulo at katawan tungo sa kanyang RSC-O (Referee Stopped Contest-Outscored) victory at makasulong sa semifinal round ng first AIBA Asian Boxing Olympic Qualifying tournament dito.
Halos di pinawisan ang 25-gulang na si Tipon sa kanyang abbreviated win nang tapusin ang kanyang laban sa third round, 21-1, may 1:30 minuto pang nalalabi sa oras at nanatiling buhay ang kanyang tsansa sa Olympic berth matapos masibak ang apat niyang kasama at maaaring makapagsalba sa kahihiyan sa kampanya ng RP Smart PLDT boxing team na nauna nang nabigo sa dalawang Asian Olympic elims.
“If he keeps his form, he can make it to Beijing,” ani coach Pat Gaspi.
Isang panalo na lamang ang kailangan ni Tipon, isang Talisay City native para makakuha ng Olympic slot sa 54-kg division at ang hadlang dito ay ang Thai ace na si Worapoj Petchhoon, silver medallist sa Athens Olympics na nagtala naman ng 22-10 victory kontra sa bigating si Homuratov Ulugbek ng Uzbekis-tan sa naunang semis sa Dhurakij Punjit University.
Ito ang ikatlong pagkakataong maghaharap sina Tipon at Petchkomm sa huling tatlong taon gunit ito ang pinakamalaking laban ng dalawa.
Tinalo ni Tipon si Petchkoom in sa semifinal ng Asian Games sa Doha noong 2006 na natapos sa 13-all tie ngunit nanalo ang Pinoy pug sa tiebreak at isinunod nito si Korean Han Soon Chul para sa ikalawang gold medal matapos ang panalo ni Violito Payla sa flyweight division.
Nakabawi si Petchkoom noong nakaraang taon sa World Championships sa Chicago, isa ring Olympic qualifier sa pamamagitan ng 13-5 decision ngunit nabigo itong makakuha ng Olympic slot.
Iginupo ni Tipon ang Jordanian na si Ebraheem Algharageer, 13-2, para makasulong sa quarterfinals at pinaulanan niya ng hooks at right straights ang Pakistani, na hindi nakaporma sa agresibong estilo ng Pinoy fighter. (DANTE NAVARRO)