Dinisbanda ng Phil-Cycling ang buong national team dahil itataas ng national federation for cycling ang kalidad ng mga Filipino riders para sa pinupuntiryang 2012 London Olympics.
Nagdesisyon ang Phil-Cycling board ng unanimous sa pagbuwag ng national team sa board meeting nitong Sabado sa Amoranto Sports Complex sa Quezon City.
Agad na titipunin ng pederasyon ang national squad matapos buuin ang national coaching staff. Magkakaroon ng trials pa-ra mapili ang mga bagong miyembro ng national pool kung saan magmumula ang national team para sa tatlong disciplines--road, track at mountain bike.
Maging ang mga me-dal winners sa nakaraang 24th Southeast Asian Games sa Nakhon Rat-chasima, Thailand, ay kailangan ding dumaan sa trials.
Ang PhilCycling ay pumangalawa sa likod ng swimming bilang best performing national sports association sa huling SEA Games. Nag-uwi ang mga Filipino cyclists ng apat na gold medals, 100 percent improvement kumpara sa kanilang 2005 Manila Games at lamang ng isang ginto sa kanilang performance sa Vietnam noong 2003.
Tinitignan ngayon ng PhilCycling ang Asian Cycling Championships (road at track), Track Asia Cup (track) at Asian Mountain Bike Championships na lalahukan ng mga national riders.
Hindi isinama ng Laos, ang susunod na host ng SEA Games sa 2009 ang cycling sa kanilang calendar kaya ang pagha-handaan ng PhilCycling ay ang 2010 Asian Games sa China at ang huli ay ang London sa 2012.
Hindi pa nakakapag-padala ang bansa ng cyclist sa Olympics sapul nang magtakda ang Union Cycliste Internationale (UCI) ng mataas na qualifying standards para sa quadrennial Games.